Letran sinamantala ang pagkawala ni Adeogun

MANILA, Philippines - Sinamantala ng Letran Knights ang di paglalaro ng starting center ng San Beda Red Lions na si Ola Adeogun para kunin ang 64-53 panalo sa pagtatapos kagabi ng first round elimi-nation ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.

Hindi pinakawalan ng depensa ng Knights ang shooters ng Lions upang magtala lamang ang four-time defending champion ng season low na 13 puntos sa first half para maiwanan sila ng 20 puntos, 33-13.

Si Adeogun ay hindi pinaglaro bilang parusa matapos ang ‘di pagsipot sa kanilang tatlong ensayo.

May 16 puntos si Arthur dela Cruz para sa Lions na natalo sa pangalawang pagkakataon upang mabigyan ng karapatan ang Arellano Chiefs na makasalo sa liderato sa 7-2 karta.

Kumana ng 17 puntos, 5 rebounds at 3 assists si Mark Cruz para iangat ang Knights sa 3-6 baraha at makasalo sa San Sebastian Stags at Emilio Aguinaldo College Generals sa ikapitong puwesto.

Pinantayan naman ng St. Benilde Blazers ang kabuuang panalo na nakuha noong nakaraang taon nang padapain ang Perpetual Help Altas, 77-73, sa unang laro.

Bumangon ang Bla-zers mula sa 13 puntos pagkakalubog sa ikatlong yugto nang mag-init ang mga kamay nina Luis Sinco at Mark Romero sa 3-point line.

Ang buslo ni Romero ang nagpatabla sa laro sa 70-all habang si Paolo Taha ang siyang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Blazers nang lusutan ang dalawang nagbabantay, 73-72.

Itinapon nina Harold Arboleda at Earl Scottie Thompson ang bola sa magkasunod na opensa ng Perpetual bago nagsanib sa tatlong free throws sina Sinco at Jose Saavedra para gawing apat ang kanilang kalamangan sa huling 6.2 segundo.

Nakahirit si Baloria ng foul kay Jonathan Grey habang bumubuslo sa tres pero sablay ang kanyang unang birada upang ma-diskaril ang diskarte na maitabla pa ang laro.

Sina Grey, Sinco at Romero ay may 19, 15 at 13 puntos habang si Baloria ay may 22 puntos para magsalo ang St. Benilde at Perpetual Help sa 4th hanggang sixth place kasama ang pahingang Lyceum Pirates. (AT)

 

St. Benilde 77 - Gray 19, Sinco 15, Romero 13, Bartolo 12, Taha 9, Saavedra 4, Nayve 3, Ongtenco 2.

Perpetual 73 - Baloria 22, Thompson 20, Arboleda 12, Alano 11, Bantayan 3, Jo-langcob 3, Gallardo 2.

Quarterscores: 11-14; 37-41; 58-63; 77-73.

Letran 64 - Cruz 17, Nambatac 9, Gabawan 9, Publico 7, Ruaya 6, Tambeling 6, Singontiko 5, Dela Pena 2, Racal 2.

San Beda 53 - Dela Cruz 16, Mendoza 1, Semerad A 5, Sara 4, Pascual 4, Amer 3, Cabanag 2, Solera 2.

Quarterscores: 16-6; 33-13; 49-29; 64-53.

Show comments