MANILA, Philippines - Bagama’t nasa ibang bansa, may suporta pa rin ang Philippine national basketball team na sasabak sa FIBA World Cup simula sa Aug. 30 dahil tinatayang 5,000 Filipinos ang susugod sa 7,000-seat Palacio Municipal de Deportes San Pablo sa Seville.
Kasama ang Pinas sa Group B na magdaraos ng round-robin competition sa Seville kung saan kasama nila ang Croatia, Greece, Argentina, Puerto Rico at Senegal.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Spain Carlos Salinas na may 40,000- 50,000 Filipinos ang naninirahan sa Spain at plano niyang ipunin ang mga residente para mag-cheer sa Gilas sa Seville. Kung ang Philippines ay magtatapos na top four sa Group B, uusad ang Gilas sa susunod na round sa Madrid.
Dalawang bus na sakay ng mga Pinoy at may mga nagdala ng kanya-kanyang sasakyan ang dumayo sa Municipal Multi-Sport Center ng Mendizorrotza sa Vitoria-Gesteiz, 285 kilometro ang layo mula saMadrid, para manood ng exhibition game ng Gilas kontra sa Spanish league ACB (Asosacion de Clubs de Baloncesto) selection noong Linggo. May 100 Filipinos ang nakasaksi ng 89-58 panalo ng Gilas.
Ang grupong tumipon ng mga Pinoy ay ang SIKAP o Samahan Sa Ika-Uunlad Kapatiran at Pag-Asa, isang Filipino sa Basque na pinangungunahan ni Analyn Eligado Sirot ng Muñoz, Nueva Ecija.
Ayon kay Sirot, mano-nood din ang grupo sa warm-up games ng Gilas sa San Sebastian.
May plano ring maghahakot ng mga Pinoy para manood sa Seville sa isa sa limang preliminary round games ng Gilas. Maaa-ring panoorin nila ang laban kontra sa Greece sa Aug. 31, araw ng linggo na kanilang free day. (QH)