MANILA, Philippines - Guguluhin pa ng FEU Tamaraws ang mga koponang nasa itaas ng standings habang mag-uunahan ang UST Tigers at UE Red Warriors na bigyan ang koponan ng momentum papasok sa susunod na round sa pagtatapos ngayon ng 77th UAAP men’s basketball first round elimination sa Smart Araneta Coliseum.
Ikalimang panalo matapos ang pitong laro ang tutuhugin ng Tamaraws laban sa Adamson Falcons sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Galing ang tropa ni coach Nash Racela sa 71-62 tagumpay laban sa National University at ang makukuhang panalo ay magreresulta para makasalo ng Tamaraws ang Bulldogs at nagdedepensang kampeong La Salle sa pangalawang puwesto sa 5-2 karta.
Ang Falcons ang natatanging koponan na hindi pa nakakatikim ng panalo at hindi magbabago ang laro nina Mark Belo, Mike Tolomia, Anthony Hargrove, Carl Cruz at Roger Pogoy ay tiyak na lalawig pa ang kanilang losing streak.
Mas magiging mainitan ang bakbakan sa unang laro at ang Warriors ay umaasang ma-wawakasan nila ang kanilang four-game losing streak habang dalawang sunod na kabiguan ang balak tuldukan ng Tigers.
Nasa ikaanim na puwesto ang UE sa 2-4 karta sa likod ng Tigers (3-3).
Galing ang Warriors sa masaklap na 91-93 overtime pagkatalo sa Ateneo Blue Eagles noong Linggo dahil iniwanan na sila ng kalaban ng 21 puntos sa first half.
Si Roi Sumang na naghatid ng career high na 30 puntos sa huling laro, ay nagbibigay ng 15.17 puntos, 5.17 assists at 3.8 rebounds habang ang third year player na si Pedrito Galanza ang siyang nanggugulat para sa UE sa ibi-nibigay na 11.67 puntos.
Pero malamya ang ipinakikita ni 6’8” Charles Mammie na may 7.67 puntos at 7.33 rebounds average matapos ang impresibong 15 puntos at 19 rebounds sa unang taon noong 2013.
Patuloy ang paghahatid ng solidong numero ni Karim Abdul para sa Tigers matapos pangunahan ang koponan sa puntos (13.670, rebounds (8.50), assists (2.17) at blocks (1.33).
Humahataw si Aljon Mariano matapos ang masamang panimula at naghatid ng 11 puntos. (AT)