MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang paniniwala ng mga karerista na angat sa laban ang Red Heroine nang dominahin ang sinalihang karera noong Lunes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si JAW Saulog pa rin ang hinete ng kabayo na hinarap ang hamon ng tatlong kabayo sa 1,300-metro distansyang karera at walang naging problema ang tambalan dahil mula pagbukas hanggang sa tawirin ang meta ay nasa unahan ang Red Heroine.
Lima dapat ang magtatagisan sa karera pero na-scratch ang Negasi na dating hinawakan din ni Saulog.
Halos anim na dipa ang inilayo ng Red Heroine sa Royal Kapupu na second choice sa labanan.
Balik-taya ang nangyari sa win ng Red Heroine habang ang 4-5 forecast ay may P10.50 dibidendo.
Tinapos ng Oh Minstrel ang masamang ipinakikita sa huling mga takbo matapos kuminang sa isa pang 1,300-metro distansya.
Ang apprentice jockey AG Avila ang dumiskarte sa kabayo na binigyan ng pinakamagaang handicap weight sa anim na naglaban sa 50 kilos.
Nakatulong ito dahil agad na humarurot ang tambalan matapos lamang ang unang kurbada para kunin ang lideratong unang hinawakan ng dehado ring Hey Jude.
Hindi na nawala pa sa Oh Minstrel ang liderato dahil nagawa pa niyang lumayo hanggang anim na dipa para mabalewala ang pagbagal nito papasok sa rekta.
Hindi nasilip na may ibubuga ang kabayo dahil hindi ito tumimbang sa huling tatlong takbo.
Ang Makikiraan Po ni CV Garganta ang siyang napaboran pero nalagay lamang ito sa pang-apat na puwesto.
Naghatid ang win ng P41.00 habang umabot sa P270.00 ang 4-6 forecast.
Magbabalik ang aksyon sa race club na pag-aari ng Manila Jockey Club sa Sabado at Linggo pero sa Agosto 17 sesentro ang tagisan dahil sa paglarga ng Mayor Ramon D. Bagatsing Cup Racing Festival.
Tampok na karerang paglalabanan ay ang Challenge To Champion Race na katatampukan ng pagkikita sa unang pagkakataon ng mga premyadong local at imported horses na Hagdang Bato at Crucis. (AT)