MANILA, Philippines - Inirehistro ng Ateneo De Manila University ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa quarterfinal round para palakasin ang tsansa sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference.
Ito ay matapos talunin ng Lady Eagles ang nagdedepensang Cagayan Valley Rising Suns, 17-25, 25-23, 27-25, 25-19, noong Linggo ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Humataw si Alyssa Valdez ng 24 points, habang naging mahigpit ang depensa ng Ateneo sa mga hitters ng Cagayan para tapusin ang laro sa loob ng isang oras at 45 minuto.
Kung maipapanalo ng Lady Eagles, nagreyna sa nakaraang UAAP season, ang kanilang huling dalawang laro ay makakamit nila ang isa sa tatlong natitirang semifinals ticket sa mid conference na itinataguyod ng Shakey’s katuwang ang Mikasa at Accel.
Tumipa si Aiza Maizo ng 20 hits para sa Rising Suns, habang nalimitahan si Pau Soriano sa 7 points kasunod ang tig-6 puntos nina Rose Vargas at Wenneth Eulalio.
Nakatakdang labanan ng Ateneo ang unang semifinalist na Philippine Army ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng Cagayan at ng sibak nang National University sa alas-2.
Muling ipaparada ng Lady Troopers sina Rachel Ann Daquis, Jovelynn Gonzaga, Mary Jean Balse at Nerissa Bautista katapat sina Valdez, Amy Ahomiro, Miren Gequillana, Michelle Morente, Bea de Leon at Julia Morado ng Lady Eagles. (RC)