MANILA, Philippines - Kinilala ng US Billiard Media Association ang galing ni Jose “Amang” Parica sa larangan ng pool upang mapabilang na siya sa Billiard Congress of America Hall of Fame sa kategoryang ‘Greatest Players’.
Kasama niyang iluluklok si Mika Immonen ng Finland para lumawig na sa 64 ang bilnruang ng mga taong kabilang sa prestihiyosong BCA Hall of Fame.
Lalabas na ang 65-anyos na si Parica ang ikatlong Filipino cue artist na napasok sa talaan matapos nina Efren ‘Bata’ Reyes (2003) at Francisco ‘Django’ Bustamante (2010).
Nakapasok si Parica dahil na rin sa suporta na nakuha sa Veterans Committee na nagnonombra ng mga pool players na wala sa talaan na edad 60 pataas.
Kinikilala si Parica bilang unang Pinoy na nakitaan ng galing sa pagbilyar sa US at noong1986 kung saan napanalunan niya ang kanyang kauna-unahang US pro title sa Clyde Childress.
Napahinga siya sa paglalaro mula 1992 hanggang 1996 pero nang bumalik ay hindi nawala ang galing at pinagharian ang dalawang yugto sa Camel Pro Billiard Series bago itinalaga bilang Player of the Year at maiuwi ang $50,000.00 premyo.
Ang iba pang malalaking titulo ni Parica ay ang Derby City Classic noong 2001, 2002 at 2003 at ang Master of the Table noong 2002.
“It’s been a long wait. But it’s a great honor and I’m very happy,” wika ni Parica sa panayam ng AZbilliards.com.
Sina Parica at Immonen ay mai-induct sa seremonya sa Oktubre 17 sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake, Virginia. (AT)