Diaz, Torres hindi nakapasa
MANILA, Philippines - Hindi makakasama ang dalawang Olympians na sina Marestella Torres at Hidilyn Diaz sa pambansang koponan na tutulak sa Asian Games sa Incheon, Korea nang parehong nabigo na abutin ang qualifying marks sa long jump at weightlifting kahapon.
Sa ULTRA Oval sa Pasig City ginawa ang performance trial ni Torres, at ang 2009 Asian Championship gold medalist ay nakapagrehistro lamang ng pinakamalayong lundag na 6.17 meters, malayo sa 6.37m qualifying mark.
Sina POC chairman at Asian Games Task Force member Tom Carrasco Jr., Romy Magat at Paul Ycasas ay sinamahan ni bagong PATAFA president Philip Ella Juico ang sumaksi sa ginawa ni Torres na nakapagtala ng 6.08m, 6.03m, 6.00m at 5.85m sa naunang apat na talon.
Ang ikaanim at huling attempt ni Torres na noong Enero ay nanganak sa kanyang unang supling, ay na-foul.
“I feel good. Pero kulang pa rin sa specific training in jumping. Wala pa talaga iyong dati kong training sa jumping,” wika ni Torres na hawak ang SEA Games record sa event na 6.71m.
Si Diaz ay nabigo sa dalawang tangka na mabuhat ang 125kg sa clean and jerk para magkaroon lamang kabuuang 220kg total sa trial na ginawa sa Philippine Weightlifting Association gym sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ang qualifying mark ay 225kg na siyang marka ng bronze medal winner sa 2010 Guangzhou Games.
“Nagmamadali lang ako. Eager talaga na makuha ang 125,” wika agad ni Diaz kung bakit hindi naialsa ang bar sa 125kg.
Hindi niya napigilan ang umiyak hindi dahil sa ka-biguang masama sa Incheon kungdi dahil napatuna-yan niya sa kanyang sarili na kaya pa niyang maglaro.
“Struggling talaga ako, Nagkaroon ako ng injury sa tuhod (kaliwa) noong March at hindi ko nabubuhat yung gusto kong timbang na buhatin kaya wala akong tiwala sa sarili ko hanggang ngayon. Pero napatuna-yan ko na may lakas pa pala ako,” dagdag pa ng tubong Zambaoanga City na lifter.
Sa nangyari, ang bilang ng pambansang atleta na ipadadala sa Incheon ay nasa 149 lamang.
- Latest