MANILA, Philippines - Magandang pagbabalik ang ginawa ng kabayong Sahara Nights nang nanalo ito sa pista noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Pitong kabayo ang nagsukatan sa special race na ginawa sa 1,300-metro at mahusay ang pagbabalik ng hineteng si RC Landayan nang nasundan ang huling panalo na naibigay ni RV Poblacion noon pang Mayo 16.
Third choice sa bentahan ang Sahara Nights at nakipagbakbakan ang nasabing kabayo sa mas napaboran na Jalapenio ni MV Pilapil.
Pero tila ininda ng nasabing kabayo ang 58-kilos na handicap weight at pagpasok sa rekta ay nagsimula na itong maglakad.
Sa last 150-metro lumayo na ang Sahara Nights tungo sa dalawang dipang panalo sa pumangalawa pang Congregation ni Mark Alvarez. Ang Jalapenio ang tumawid sa ikatlong puwesto.
Walang nabago sa tikas ng kabayo kahit mahigit dalawang buwan itong nagbakasyon at ang win ay nagpasok ng P14.00 habang ang 2-3 forecast ay mayroong P57.50 na ipinamahagi.
Nakabangon naman ang Jazz Wild sa pangalawang puwestong pagtatapos noong Agosto 2 nang dominahin ang 2YO M-A-B race sa 1,000-metro distansya.
Ang Against All Odds na slight favorite sa karera ang nanguna sa alisan pero naghabol ang Jazz Wild kasunod ang coupled entry Silky Jockey ni JB Hernandez.
Halos sabay na ang takbo ng Against All Odds at Jazz Wild bago humarurot ang kabayong sakay ni JPA Guce tungo sa halos tatlong dipang panalo.
Ang Rio Grande ni CM Pilapil ang siya pang nasegunda sa karera at ito ang nagpasaya sa bayang karerista dahil ang 2-3 forecast ay may P112.50 dibidendo matapos ang balik-taya sa win.
Lumabas ang My Hermes ni MV Pilapil bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa walong karerang pinaglabanan para patirin ang dalawang sunod na pang-apat na puwestong pagtatapos.
Biglang sumulpot ang My Hermes at Board Walk mula sa likuran pagpasok sa kalagitnaan ng 1,300-metro karera at ang dalawa na ang siyang nagbalikatan sa karera.
Buo pa na dumating ang My Hermes para tapusin ang dalawang sunod na panalo na taglay ng paborito sa karera na Board Walk ni Herminio Dilema.
Umabot sa P25.00 ang ibinigay sa win habang nasa P87.00 ang dibidendo sa 4-8 forecast. (AT)