MANILA, Philippines - Sinandalan ng Arellano Chiefs ang lakas sa offensive rebounding para tapusin ang apat na sunod na panalo ng St. Benilde Blazers sa 67-66 panalo sa 90th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Tatlong offensive boards ang kinuha ng Chiefs sa huling 25.8 segundo para makabangon ang koponan ni coach Jerry Codiñera mula sa 62-65.
Si John Pinto ang humablot ng pinakamahalagang rebound mula sa sablay na pangalawang attempt sa free throw line ni Dioncee Holts tungo sa winning shot.
Tinapos ni Pinto ang labanan tangan ang 19 puntos at limang boards para ibigay sa Chiefs ang ikapitong panalo sa siyam na laro at dumikit uli ng kalahating laro sa nagdedepensang kampeong San Beda na may 7-1 karta.
Nagpalitan ng lamang ang magkabilang kampo pero ang dalawang free throws ni Luis Sinco ang naghatid sa Blazers sa 65-62 kalamangan.
Inilapit ni Keith Ago-vida ang Arellano sa isa sa follow-up sa mintis ni Pinto at matapos ang split ni Paulo Taha ay nagbigay ito ng dalawang foul shots kay Holt matapos ang contact sa unahan sa rebound.
“Pinto has been playing well and again he made the big play,” wika ni Chiefs coach Jerry Codiñera.
Ang ‘big three’ ng Blazers na sina Mark Romero, Taha at Jonathan Grey ay naghatid ng 21, 16 at 13 puntos pero hindi sapat ito sanhi ng 4-4 karta.
Sinandalan ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang split ni John Grospe sa free throw line bago pinagmasdan na kinapos ang pampanalong tres ni John Ta-yongtong tungo sa 81-79 panalo sa unang laro.
Lumayo ng 13 puntos ang Heavy Bombers sa ikatlong yugto dahil sa pag-iinit ni Bernabe na naghatid ng walo sa kanyang 14 puntos pero naghabol ang Generals at ang drive ni Tayongtong ang naglapit sa koponan sa, 79-80.
Sinolo ng JRU ang ikatlong puwesto sa 5-3 baraha habang may 2-6 karta na ang Generals. (AT)