MANILA, Philippines - Nagdeliber ng panalo sina Grandmaster Eugene Torre at Paulo Bersamina nang igupo ng Philippines men’s team ang Finland, 2.5-1.5, para makabawi habang lumasap naman ang women’s squad ng masaklap na 0-4 pagkatalo laban sa 11th seed Spain sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway nitong Martes ng gabi.
Ibinigay ng 16-anyos na si Bersamina ang unang puntos ng mga Pinoy sa kanyang 45-move victory kontra kay International Master Vilka Sipila sa Board 4 bago isinelyo ng 62-gulang na si Torre ang tagum-pay sa kanyang bihirang ginagamit na Larsen Ope-ning upang igupo si IM Mikael Agopov sa 30-moves sa Board 3.
Si GM John Paul Gomez ay naka-draw matapos ang 36-move kay IM Mika Karttun na nagdala sa mga Pinoy sa 19-team logjam sa 23rd taglay ang 5-points.
Panalo na sana si GM Julio Catalino Sadorra ngunit sinayang niya ang pagkakataon at yumukod kay GM Tomi Nyback sa 28 moves ng Slav Defense sa top board.
Hindi naman nasustinihan ng mga Pinay ang momentum mula sa surpresang 2-2 draw laban sa eighth seed Poland sa third round nang mabokya sa Spain, 4-0 para malaglag mula sa pakikisalo sa No. 15 palabas ng top 30 taglay ang 5.0 puntos.
Susunod na kalaban ng men’s team ang Chile habang ang 14th seed Bulgaria ang sasagupain ng wo-men’s squad sa fifth round.