MANILA, Philippines - Isang maliit ngunit palabang koponan ng Pilipinas ang magtutungo ngayon sa Dubai, United Arab Emi-rates na naghahangad na makapanggulat ng kalaban sa FIBA U17 World Championship na magsisimula sa Biyernes sa Al Ahli Arena.
Sa pamumuno ni Ateneo star Jolo Mendoza, inaasahang magbibigay ng magandang laban ang Batang Gilas laban sa mga Angolans, Americans at Greeks na kasama nila sa Group A.
Nasa Group B naman ang Japan, France, Canada at Australia, habang kasama sa Group C ang Puerto Rico, Italy, Spain at host country. Ang Argentina, Serbia, China at Egypt ang bumubuo sa Group D.
Si Mendoza, ang Most Valuable Player sa Southeast Asian Basketball Association (Seaba) U16 tournament, ang magiging lider ng koponan na target ang tiket sa world stage matapos ang 77-72 semifinal win sa Chinese Taipei sa FIBA-Asia U16 sa Tehran, Iran noong nakaraang taon.
“We have a tough task ahead, but we are already here. We want to show the world the class of the Filipinos in basketball, we will not back down,” sabi ni coach Jamike Jarin.
Kaagad makakatapat ng Batang Gilas ang African champion Angola sa kanilang opening game kasunod ang Greece sa Sabado at ang United States sa susunod na linggo.
Pumuwesto ang koponan sa ikaapat sa Fiba Asia U16 Championship noong 2009 at noong 2011 matapos matalo sa Iran at Japan, ayon sa pagkakasunod.
Bukod kay Mendoza, ang iba pang aasahan ng Batang Gilas ay sina Matt at Mike Nieto ng Ateneo, Arnie Padilla at Richard Escoto ng Far Eeastern University, Paul Desiderio at Diego Dario ng University of the Philippines, Carlo Abadeza at Mike Dela Cruz ng La Salle Greenhills, Mikel Panlilio ng Internatio-nal School at Renzo Navarro ng San Sebastian College.