MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay alam na ni Chris Algieri ang kanyang gagawin para talunin si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
“I just need to box. When I box, I’ll beat anybody in the world. That’s really the game plan, I just need to stick to the game plan and be a master boxer,” ani Algieri sa panayam ng Boxingscene.com
Inaasahang gagamitin ni Algieri, isang 5-foot-10 boxer, ang kanyang bentahe sa pahabaan ng braso laban sa 5’6 na si Pacquiao.
Nakatakdang hamunin ni Algieri si Pacquiao para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) welterweight crown sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Maglalaban sina Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) at Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa catch weight na 144 pounds.
Ayon kay Algieri, lahat ng paghahanda ay gagawin niya para talunin si Pacquiao, nanggaling sa mga panalo kina Brandon ‘Bam Bam’ Rios at Timothy Bradley, Jr.
“With Manny, you know what you’re getting. We just gotta be as much prepared for this as possible,” wika ng 30-anyos na si Algieri, ang bagong WBO light welterweight king matapos gulatin ang dating kampeong si Ruslan Provodnikov na naging sparmate ni ‘Pacman.’
Noong 2012 ay dalawang beses natalo ang 35-anyos na si Pacquiao kina Bradley at Juan Ma-nuel Marquez.
Sa kabila ng kanyang height disadvantage, tiwala si Pacquiao na tatalunin niya si Algieri para sa patuloy na pagsusuot ng WBO welterweight belt.
Samantala, naghihintay pa rin si Amir Khan ng sagot mula sa Top Rank Promotions para sa kanyang paghahamon kay Pacquiao. (RC)