MANILA, Philippines - Kinuha ni Jessie Guce ang taguri bilang kauna-unahang hinete na pumasok sa dalawang milyon kita habang anim na hinete ay may mahigit isang milyon na napanalunan sa larangan ng horse racing.
Pumalo na sa P2,335,361.81 ang kinita ni Guce matapos ang 540 takbo para manatiling nangunguna sa hanay ng mga hinete.
May 90 panalo, 84 segundo, 72 tersero at 79 kuwarto puwestong pagtatapos ang mga kabayong sinakyan ni Guce.
Kay Fernando Raquel Jr. ang taguri bilang may pinakamaraming panalo na nailista matapos ang unang anim na buwan sa 92 panalo sa 367 takbo.
Pero si Raquel na may 56 segundo, 43 tersero at 39 kuwarto puwestong pagtatapos ay nasa ikatlong puwesto lamang sa talaan sa kanyang P1,920,905.07 premyo.
Si Mark Alvarez ang pumapangalawa kay Guce sa P1,929,407.72 sa 464 takbo na kinatampukan ng 82 panao, 74 segundo, 54 tersero at 55 kuwarto puwesto.
Nasa ikaapat na puwesto si Jonathan Hernandez bago sumunod si Pat Dilema habang sina Jordan Cordova at Dominador Borbe Jr. ang nasa ikaanim at pitong puwesto at nakasama sa millionaire’s list sa hanay ng mga jockeys.
Kumabig na si Hernandez ng P1,747,007.51 sa 265 takbo mula sa 75 panalo, 45 segundo, 41 tersero at 25 kuwarto puwesto habang si Dilema ay nanalo na ng P1,629,489.66 sa 345 takbo gamit ang 77-56-48-43 karta.
Si Cordova ay may P1,132,408.18 sa 290 takbo bitbit ang 61-35-29-17 una hanggang ikaapat na pagtatapos habang si Borbe ay may P1,002,311.42 premyo sa 283 takbo sa 39-42-34-32 baraha.
Nasa ikawalong puwesto si John Alvin Guce sa P935,254.55 sa 113 takbo (28-20-12-12). Malaking tulong sa pag-angat ni Guce ang pagkapanalo sa naunang dalawang yugto sa 2014 Philracom Triple Crown gamit ang Kid Molave.
Ang nasa ikasiyam na puwesto ay si JD Juco sa P919,615.99 sa 241 sakay (36-43-49-27) habang si Kevin Abobo ang nasa ika-sampung puwesto sa P882,305.59 sa 221 takbo (34-46-34-27). (AT)