MANILA, Philippines - Ang mga naranasang injuries ng kanyang 37-an-yos na katawan ang dahilan para ‘di makalaro sa koponang mas mahal niya kaysa sa San Antonio Spurs.
Hindi maglalaro si Manu Ginobili para sa Argentina sa 2014 FIBA World Cup dahil sa isang stress fracture sa kanyang kanang binti na nagpahirap sa Spurs guard sapul noong NBA playoffs.
Inihayag ng Argentine Basketball Federation ang desisyon noong Huwebes kung saan nagposte si Ginobili ng isang tweet sa Spanish na nagsasabing siya ay nalulungkot na hindi siya makakapaglaro para sa national team. Lalaruin ang World Cup simula sa Agosto 30 sa Spain at ang pagkawala ni Ginobili ay malaking bagay para sa tsansa ng Argentina.
Naglaro si Ginobili kahit na may injury para tulungan ang Spurs na talunin ang Miami Heat sa NBA Finals. Nauna nang naiulat sa San Antonio Express-News na hiniling ng Spurs kay Ginobili na huwag nang maglaro sa Spain.