MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang gustong sunggaban ngayon ng nagdedepensang kampeon La Salle at UST sa pagpapatuloy ng 77th UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Kalaban ng Green Archers ang Adamson Falcons sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang pagtutuos ng Tigers at UP Maroons sa ika-2 ng hapon.
Huwag lamang makikitaan ng sobrang kumpiyansa, ang La Salle at UST ay pinapaboran na manalo dahil ang kanilang mga katapat ay magkasalo sa hu-ling puwesto sa 0-4 baraha.
Ang Maroons ay may 25-sunod na pagkatalo mula pa noong 2002 habang ang Falcons ay galing sa nakakapanlumong 25-62 pagkadurog sa National University.
May 2-2 karta ang tropa ni coach Juno Sauler para makasalo ang UE Red Warrios sa ikalima at anim na puwesto habang nasa mas mataas na baytang ang UST sa 2-1 karta.
Matapos ang 0-2 start ay tinalo ng La Salle ang Bulldogs at Red Warriors sa dikitang 57-55 at 60-58 panalo.
Inaasahang gagamitin ni Sauler ang laro para pagbutihin ang takbo ng opensa at depensa.
Isa pa sa kanyang pilit na ipagagawa ay ang limitahan ang kanilang errors matapos ang 34 turnovers sa laro kontra UE.
Dehadong-dehado ang tropa ni coach Kenneth Duremdes pero hindi ito ma-ngangahulugan na hindi sila gagawa ng paraan para gumanda pa ang kanilang ipakikita kumpara sa hu-ling laro.
“We are going to continue to teach these young players, we will not stop,” paniniyak ni Duremdes.
Makakuha ng magandang laro sa mga beterano ang hanap ni rookie UST coach Bong dela Cruz para mas magkaroon ng pangil ang Tigers sa susunod na mabibigat na laban. (AT)