2014 Batang Pinoy pinaghahandaan na ng PSC

MANILA, Philippines - Bilang paghahanda para sa 2014 Batang Pinoy National Finals sa Bacolod City, nakatakdang maki-pagpulong ang Philippine Sports Commission (PSC) sa technical directors ng bawat national sports associations (NSAs) sa Martes.

Ang palaro ay naka-schedule tentatively sa December 9-13.

Ayon kay PSC Games Secretariat head Atty. Jay Alano, ang Batang Pinoy ay babalik sa Bacolod dahil sa pagpapakita ng interest ni Mayor Monico Puen-tevella na maging punung-abala uli ng event matapos umatras ang Iloilo City.

“It is still a tentative date. Puwedeng mas maaga ng December or medyo late before the Christmas break. It will depend on the availability of the facilities and the schools for the billeting of all the participants that’s why we’re going to also meet with Department of Education officials of Western Visayas,” sabi ni Alano.

Ang Bacolod City ang host ng national finals noong nakaraang taon na ilang beses na iniurong dahil sa mga kalamidad na sumalanta sa Southern Philippines partikular sa Eastern Visayas na siyang direktang tinamaan ng super typhoon Yolanda (Haiyan)noong Nobyembre.

Ang three-leg Batang Pinoy elimination ay magsisimula sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur para sa Mindanao stage sa September 10-14 habang ang Visayas leg naman ay idaraos sa Kalibo, Aklan sa October 21-25. Ang Naga City sa Camarines Sur ang magiging host ng Luzon leg sa November 11-15.

Ang mga sport na inaasahang paglalabanan ay ang arnis, athletics, lawn tennis, swimming, triathlon, weightlifting, softball, taekwondo, chess, cycling, futsal, volleyball, dancesport, cheerdance, badminton, 3X3 basketball, boxing, karatedo, sepak takraw, table tennis at wrestling.

 

Show comments