MANILA, Philippines - Hindi mawawala ang pasensya ni Adamson coach Kenneth Duremdes sa kanyang mga manlalaro matapos ang nakakadismayang ipinakita ng Falcons kontra sa National University Bulldogs noong Huwebes sa 77th UAAP men’s basketball.
Gumawa lamang ng 25 puntos at may 17% shooting sa kabuuan ng laro ang Falcons na pinakamababa mula noong 2003.
Pero hindi ito ang pagkakataon na sumuko pagtitiyak ni Duremdes at sa halip ay sisikapin pa niyang itaas ang morale ng mga batang manlalaro para makabangon sa nangyari.
“We are all frustrated. But then again, we are looking at the future of these kids. At this point, kailangan na makita nila na we’re not giving up on them. We’re going to continue to teach our young players, we will not stop,” wika ng dating PBA MVP at rookie coach na si Duremdes.
Sunod na laro ng Falcons ay ang nagdedepensang kampeong La Salle bukas at wala namang ibang dapat gawin ang koponan kungdi ang sikaping magtala ng disenteng shooting.
“We attempted 44 times from the 2-point field and made just six shots. Iyon ang reason kung bakit 25 points lang kami,” paliwanag pa ni Duremdes.
Kahit ang management ay hindi susukuan ang koponan na nasa rebuilding process.
“We understand that the team is rebuilding and majority are rookies. UAAP has just started and we are confident makaka-bounce back sila,” ani Adamson board member Malou Isip.