MANILA, Philippines - Maging agresibo mula simula hanggang matapos ang laro ang nais makita ni San Beda Red Lions coach Boyet Fernandez sa pagharap sa San Sebastian Stags sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon mapapanood ang tagisan at nais ng Lions na makabangon mula sa 76-83 pagkatalo sa kamay ng St. Benilde Blazers noong Lunes na tumapos sa kanilang limang sunod na panalo.
Tinutukoy ni Fernandez ang pagre-relax ng mga bata sa second half na siya nilang ikinabagsak upang mabigyan din ng pagkakataon ang Arellano Chiefs na makasalo sa pangunguna sa 10 koponang liga.
Ang Chiefs ay sasalang din laban sa host Jose Rizal University Heavy Bombers sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
“We have to be more aggressive especially on defense,” ani Fernandez.
May 3-3 karta ang Stags at magpupursigi sila na palasapin ng ikalawang sunod na pagkatalo ang Lions para makabangon din mula sa dalawang dikit na pagkatalo.
Papasok ang Chiefs sa laro bitbit ang tatlong sunod na panalo at ibayong sigla sa paglalaro ang nakikita sa koponang hawak ni first year coach Jerry Codiñera dahil sa pagkinang ng limang kamador.
Sina Levi Hernandez, Jiovani Jalalon, Keith Agovida, John Pinto at American center Dioncee Holts ay naghahatid ng 15,12.67, 12.33, 12.17 at 10.33 puntos para sa Chiefs bawat laro para lumabas sila bilang number one offensive team ng liga sa 85.8 puntos kada-laro.
May kalalagyan ang Arellano sa Heavy Bombers dahil number two ang koponan ni coach Vergel Meneses sa depensa sa ibinibigay na 68.5 puntos sa kalaban.
Una sa listahan ang San Beda na may 65.2 average ang mga nakalaban.
“Kailangan na maging handa kami sa kanilang depensa,” ani Codiñera.