MANILA, Philippines - Nanatili ang Jade Bros. Farm sa unang puwesto sa hanay ng mga horse owners sa palakihan ng kita matapos ang buwan ng Hunyo.
May nalikom na P6,527,622.40 ang mga kabayong inilaban mula sa nasabing stable at tampok dito ang 49 panalo na siyang pinakamarami sa nasabing hanay.
May 31 segundo, 22 tersero at 36 kuwarto puwestong pagtatapos pa ang mga kabayo ng Jade Bros. Farm.
Pero ang nagbibigay ngayon ng matinding hamon sa nasa unahan ay si Atty. Narciso Morales na umangat mula sa ikatlong puwesto noong Mayo.
Sampung panalo ang naipasok ng mga kabayo ni Morales para magkaroon na ng kita na P6,244,340.18 buhat sa 41 panalo 42 segundo, 38 tersero at 33 kuwarto puwestong pagtatapos.
Ang dating nasa ikalawang puwesto na si Patrick Uy ay bumaba sa ikatlong puwesto habang sina Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at Aristeo Puyat ang nasa ikaapat at ikalimang puwesto.
May P5,777,770.01 kita na si Uy sa 44 panalo, 21 segundo, 30 tersero at 37 kuwarto puwesto habang si Abalos ay kumabig na ng P5,562,021.17 (21-28-14-9) at si Puyat ang kukumpleto sa tatlong horse owners na may mahigit limang milyon kita na sa P5,327,480.21 (33-31-47-34).
Nasa ikaanim na puwesto si RB Dimacuha sa P4,730,075.78 (32-21-17-13), bago sinundan ng SC Stockfarm sa P4,602,086.56 (32-21-22-14), AV Tan Jr. sa P4,561,747.21 (20-15-14-22), Eduardo Gonzales sa P4,472,074.14 (32-22-22-19) at Triple Crown champion horse owner Emmanuel Santos sa P4,211,675.19 (12-7-7-8).
Ang Horse Owner of the Year noong nakaraang taon na si Hermie Esguerra ay nasa ika-12 puwesto tangan ang P3,627,874.50 mula sa 27 panalo, 14 segundo, 9 tersero at 4 kuwarto puwestong pagtatapos habang si Leonardo “Sandy” Javier Jr. ang kasunod ni Esguerra bitbit ang P3,501,753.44 (21-15-17-23).
Si dating Philracom commissioner at may-ari ng mahusay na imported horse Crucis na si Marlon Cunanan ay nasa ika-14th puwesto sa P3,355,011.12 (26-15-11-10). (AT)