MANILA, Philippines - Bibigyan ng pagkakataon si SEA Games record holder sa women’s long jump na si Marestella Torres na makapasok sa pambansang koponan na lala-ro sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Sa panayam kahapon kay PSC chairman at Task Force Asian Games head Ricardo Garcia, kanyang sinabi na payag siya sa kahilingan ng PATAFA na bigyan pa ng isang pagkakataon si Torres na maabot ang Asian Games qualifying jump na 6.37 metro.
Pero hindi ito gagawin sa planong Weekly Relays sa Philsports Track and Field Oval kungdi sa performance trial na solong lalahukan ni Torres.
“We will talk with PATAFA to set a date kung kailan ito gagawin. Hindi ito gagawin sa Weekly relay kungdi sa isang araw na siya lang ang tatalon. We will all be there (Task Force officials) to personally see her jump and we will give her all the time to warm-up,” pahayag ni Garcia na siya ring Chief of Mission ng pambansang delegasyon.
Matatandaan na hiniling ng bagong pangulo ng PATAFA na si Philip Ella Juico na isabak sa isa pang trial si Torres dahil sa paniniwalang maganda ang kanyang tsansang manalo ng medalya kahit kababalik lamang niya mula sa panganganak noong Enero.
Dalawang international tournaments na ang kanyang sinalihan sa Hong Kong at Vietnam at nanalo siya ng ginto at pilak. Pero kapos ang kanyang mga lundag sa qualifying mark nang magtala ng 6.26m at 6.14m marka.
Si Torres ang ikalawang atleta na mabibigyan ng huling tsansa dahil may performance trial din ang weightlifter na si Hidilyn Diaz.
Sa Agosto 9 gagawin ang pagbuhat ni Diaz at tangka niya ang maabot ang 98-kg. sa snatch, 127-kg. sa clean and jerk para sa total na 225-kg.
Ang huling hirit ng dalawang lady athletes na lamang ang problemang hinaharap ng Task Force para tuluyang matapos ang gawain na pag-screen sa mga makakasamang atleta.
“Ang bilang ngayon ng ating mga atleta ay nasa 152 at naniniwala ako na makakapagbigay sila ng magandang laban sa Asian Games,” dagdag pa ni Garcia. (AT)