MANILA, Philippines - Pinabagsak ng Pilipinas ang Bulgaria, 5-1, sa pagbubukas ng 2014 World Pool Team Championship kamakalawa sa Tongzhou Luhe High School sa Beijing, China.
Ang World Cup of Pool champion na si Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ay sinamahan nina Carlo Biado at lady pool player Rubilen Amit na dinomina ang mga Bulgarian cue artists na sina Stanimir Dimitrov, Radostin Dimov, Lyudmil Georgiev at Kristina Zlateva tungo sa 1-0 karta sa Group A.
Tutumbukin ng Pilipinas ang ikalawang panalo kontra kina Oscar Dominguez, Hunter Lombardo, Corey Deuel at Jennifer Barretta ng US kahapon.
Natalo ang US team kina Karol Skowerski, Tomasz Kaplan, Mateusz Sniegocki at Katazyna Weslowska ng Poland, 4-2.
May 25 teams mula sa 24 bansa, dalawa ang lahok ng China, hinati sa anim na grupo at ang mangungunang dalawang teams sa group eliminations ang papasok sa Last 16.
Kukumpletuhin ang apat na nalalabing puwesto base sa rankings ng nahuhuling 13 koponan.
Ito ang ikatlong edisyon ng kompetisyon at hanap ng Pilipinas ang higitan ang naabot nina Ronnie Alcano, Warren Kiamco, Antonio Lining, Marlon Manalo at Orcollo na pangalawang puwesto sa unang edisyon noong 2010 sa Hannover, Germany.
Ito ay sinimulan noong 2012.