MANILA, Philippines - Palalakasin pa ng Lyceum Pirates ang pagkapit sa ikatlong puwesto sa pagharap sa Perpetual Help Altas sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa alas-2 ng hapon magaganap ang tunggalian at nakataya sa tropa ni coach Bonnie Tan ang ikaapat na sunod na panalo na maglalapit din sa koponan sa mga nangungunang San Beda Red Lions at Arellano Chiefs sa magkatulad na 5-1 baraha.
Ang huling tinalo ng Pirates ay ang Emilio Aguinaldo College Generals, 73-67, at aasahan ng koponan ang husay nina Guy Mbida, Joseph Gabayni, Dexter Zamora at Wilson Baltazar para higitan ang ipakikitang Altas na may dalawang sunod na kabiguan.
“Kailangang maging handa dahil galing sa dalawang sunod na talo ang Perpetual at tiyak na gustung-gusto nilang makabangon,” wika ni Tan.
Sina Earl Scottie Thompson, Juneric Baloria at Harold Arboleda na naghahatid ng 56 puntos average ang muling sasandalan ng Altas.
Pero dapat na magising ang ibang kasamahan para may makaagapay ang kanilang mga kamador.
Mag-uunahan din ang Letran Knights at Generals na wakasan ang kamalasan sa kanilang pagtutuos sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.
Magkasalo ang dalawang koponan sa magkatulad na 1-4 karta para sa ika-walo at siyam na puwesto at ang Knights ay may dalawang sunod na kabiguan, habang apat na diretsong talo ang tangan ng Generals.
Babalik sa bench si Letran coach Caloy Garcia.