MANILA, Philippines - Lalagyan ng National University ng distansya ang sarili sa Ateneo at iba pang koponan sa pagsagupa sa wala pang panalong Adamson sa 77th UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tampok na laro ito at magsisimula matapos ang pagkikita ng FEU at host UE sa alas-2 ng hapon.
Ang Blue Eagles at Bulldogs ay magkasalo sa unang puwesto sa 3-1 karta pero nakadikit ang Warriors, Tamaraws at UST Tigers sa ikalawang puwesto bitbit ang magkakatulad na 2-1 baraha.
Bumangon ang FEU mula sa pagkatalo sa UST nang durugin ang UP Maroons, 85-71, noong Linggo na kinakitaan din ng paglasap ng UE ng unang pagkatalo sa nagdedepensang La Salle, 58-60.
Si Mike Tolomia na sumablay lamang ng isang beses sa walong attempts tungo sa 18 puntos, ang dapat na kuminang pero malaking papel ang gagampanan nina Mark Belo at Bryan Cruz dahil sila ang ipantatapat sa mga foreign players ng Red Warriors na sina Charles Mammie at Moustapha Arafat.
Bukod sa dalawang ito ay dapat ding bantayan si Roi Sumang bukod pa sa posibilidad ng pagputok ni Dan Alberto na nalimitahan sa season-low na 4 points ng La Salle.
Aasahan naman ng Bulldogs ang solidong teamwork na naghatid ng tatlong panalo sa naunang apat na laro.
Sa ginawang pagpapaamo sa Ateneo sa huling laro, 64-60, si Jeth Rosario ay may 18 puntos, sina Alfred Aroga at Glenn Khobuntin ay nagsanib sa 27 rebounds at sina Jess Diputado at Nico Javelosa ay nagsama sa 16 puntos at nagsalitan sa pagdepensa kay Kiefer Ravena na may 3-of-20 fieldgoal shooting.