MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na nasa pitong koponan ang magtatagisan sa 2015 PBA D-League Aspirants’ Cup.
Apat na koponan ang naghayag ng kanilang kahandaan na sumali sa liga habang tatlo pa ang nagparamdam ng intensyon na maglaro sa unang conference ng liga na nakatakdang buksan sa Oktubre 27.
Ang mga datihang Café France at Jumbo Plastic Linoleum ay sasali uli habang magbabalik mula sa one-conference leave ang Wangs Basketball. Ang Racal Motorsales Corporation ang ikaapat na koponan na tiyak na ang pagsali.
Ang iba pang beterano ng liga na Cebuana Lhuil-lier at Boracay Rum ay nagpasabi na lalahok din katulad ng Kia Motors/M. Pacquiao na isa sa tatlong bagong koponan sa PBA.
Bukas sa kahit na sinong koponan ang paglalabanang Aspirants’ Cup title dahil ang six-time champion NLEX Road Warriors at one-conference champion Blackwater Sports ay wala na sa liga matapos umakyat sa pro league.
Magkakaroon din ng television coverage ang liga matapos makipagtambal sa IBC-13.
“We would like to remind all interested companies that the deadline for submission of their letter of intent is July 30. There will be no grace period and teams that are able to meet the deadline and pay the tournament fee on September 1 will make it to the list of participants for Aspirants’ Cup,” wika ni PBA Commissioner Chito Salud.
Binanggit pa ni Salud na ang Rookie Drafting ay gagawin sa Setyembre 16 at ang deadline para sa pagpapatala ng Fil-Foreigners ay sa Agosto 22 habang sa Agosto 28 ang huling araw para sa mga local players.