MANILA, Philippines - Hindi binigo ng Kid Molave ang bayang karerista na naniniwala na masasama ito sa hanay ng mga Triple Crown champions nang pagharian ang ikatlo at huling yugto kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ginalit nang husto ni John Alvin Guce ang kabayo papasok sa huling kurbada para dito tuluyang mailabas ng Kid Molave ang angking tulin at balewalain ang matinding hamon na ipinamalas ng Low Profile ni Mark Alvarez patungo sa panalo sa 2,000-metro distansyang karera.
Naorasan ang three-year old colt na may lahing Into Mischief at Unsaid ng 2:07 sa kuwartos na 24, 25, 26’, 25 at 26’ para maging ika-10 kabayo na winalis ang karerang handog ng Philippine Racing Commission (Philracom) para sa mga three-year old horses.
Bago ang Kid Molave, ang mga naunang kabayo na kinilala bilang Triple Crown champion mula nang sinimulan ang karera noong 1978 ay ang Fair And Square (1981), Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001) at Hagdang Bato (2012).
Ngunit ang Kid Molave ang bukod-tanging kikilalanin bilang kauna-unahang Triple Crown champion na nanalo gamit ang tatlong magkakaibang race tracks.
Ang first leg ay itinakbo sa 1,600-metro at ginawa sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas, habang ang second leg na pinaglabanan sa 1,800-metro ay itinakbo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
“Blessing talaga ito para sa akin. It is every horse owners’ dream to have a champion horse. Hindi ko masabi kung ano ang feeling,” wika ng may-ari ng kabayo na si Manny Santos na naibulsa ang P1.8 milyong premyo buhat sa P3 milyon na pinaglabanan bukod sa bonus na P500,000.00 matapos walisin ang lahat ng yugto.
May pakonsuwelong P675,000.00 ang connections ng Low Profile, habang ang King Bull ni Jonathan Hernandez at Macho Machine ni Fernando Raquel Jr. ang pumangatlo at pumang-apat para sa P375,000.00 at P150,000.00 premyo.