Arellano dinaig ang Perpetual
MANILA, Philippines - Gumanang muli ang mga kamay ng tinaguriang ‘Big Three’’ ng Perpetual Help Altas pero hindi ito umubra sa solidong teamwork ng Arellano Chiefs para kunin ng huli ang 97-85 panalo sa natatanging seniors game sa 90th NCAA basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nakitaan ng katatagan ang Chiefs sa huling minuto sa ikatlong yugto bago tuluyang kumawala ang mabangis na opensa sa huling 10 minuto ng labanan para sungkitin ang ikalimang panalo sa anim na laro.
“I knew we had a chance to compete but I didn’t expect we’ll play this great,” wika ni Chiefs’ rookie coach Jerry Codiñera.
Si Keith Agovida ay may 22 points at 10 rebounds, habang sina John Pinto, Jiovani Jalalon, Levi Hernandez at Allen Enriquez ay nagtala ng doble-pigura at nagsanib sa 60 puntos para sa Arellano.
May 25 puntos si Earl Thompson, si Harold Arboleda ay may 24 at 18 ang ibinigay ni Juneric Baloria pero hindi sila nasuportahan ng bench para lasapin ang ikalawang sunod na pagkatalo tungo sa 3-2 karta ng Perpetual.
Bumaba ang Altas mula sa pangatlong puwesto patungo sa pakikisosyo sa pang-apat na puwesto kasama ang pahingang San Sebastian Stags.
Apat na puntos ang ginawa ni Pinto para sa 6-0 run sa pagtatapos ng ikatlong yugto upang ang apat na puntos na pagkakaiwan sa first half, 41-45, ay naging 68-64 kalamangan papasok sa huling yugto.
ARELLANO 97 – Agovida 22, Pinto 19, Jalalon 16, Hernandez 14, Enriquez 11, Salcedo 4, Holts 4, Ortega 3, Nicholls 2, Gumaru 1, Bangga 1, Ciriacruz 0, Palma 0, Caperal 0.
Perpetual 85 – Thompson 25, Arboleda 24, Baloria 18, Jolangcob 7, Alano 5, Oliveria 2, Dizon 2, Lucente 2, Ylagan 0, Bantayan 0, Gallardo 0.
Quarterscores: 22-21, 41-45, 68-64, 97-85.
- Latest