MANILA, Philippines - KATATAMPUKAN ang paglipat ng pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite ng pagpapasikat ng mga tatlong taong kabayo na magbabalikatan sa ikatlong yugto ng Philracon Hopeful Stakes at Triple Crown Championship.
Sa araw na ito magsisimula ang dalawang araw na pista sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. at ang mga magsusukatan ay ang Great Care, Love Na Love, Pax Britanica, Good Connection, That Is Mine, Real Lady, Misty Blue at Marinx.
Ang tampok na karera ay gagawin bukas at ang mga mata ay nakatuon sa husay ng Kid Molave na magsisikap na gumawa ng makasaysayang pagtatapos sa 2014 edisyon ng Triple Crown.
Hahamon sa kabayong nagkampeon sa first at second leg ay ang coupled entries Kanlaon at King Bull, Matang Tubig, Low Profile, Kaiserslautern at coupled entries Macho Machine at Mr. Bond.
Parehong inilagay ang distansya ng karera sa 2,000-metro at ang mananalo sa Hopeful ay magkakamit ng P600,000.00 mula sa P1 milyong kabuuang premyo habang P1.8 milyon ang kukubrahin ng magkakampeon sa Triple Crown.
Walang naging problema sa Kid Molave nang dominahin ang naunang yugto sa mas maigsing 1,600-metro at 1,800-metro distansya.
Tiyak na inihanda ng handlers ng Kid Molave ang kabayo para sa mahalagang labang ito ngunit tiyak din ang matinding hamon mula sa ibang kalahok lalo na sa mga entrada ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na Kanlaon at King Bull at ang panlaban ni Hermie Esguerra na Macho Machine at Mr. Bond.
Ang Marinx naman ay napapaboran sa Hopeful Stakes matapos ang mga panalo sa huling karerang tinakbuhan. (AT)