MANILA, Philippines - PINAWI ng Captain Ball ang di magandang naipakita sa Philracom Option Race nang dominahin ang sinalihang karera noong Huwebes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Sa 1,200-metro karera pinaglabanan ang Special Handicap Race at naunang sinakyan ng Captain Ball ang malakas na ayre ng Sky Dragon.
Sa rekta at dinikitan na ng Captain ball na nirendahan ni Fernando Raquel Jr. ang Sky dragon ni JA Guce at sa huling 100-metro ay saka kumawala ito tungo sa dalawang dipang panalo.
Paborito ang Captain Ball na pumang-apat lang sa Option Race na pinagharian ng Penrith, para makapaghatid ng P8.00 sa win habang ang forecast na 2-1 ay mayroong P20.00 dibidendo.
Nakatikim din ng panalo ang Passive sa buwan ng Hulyo nang mailabas ang bangis sa isa pang Special Handicap Race na nilahukan din ng El Libertator at Consolidator.
Ang Consolidator ang agad na nanguna sa pagdadala ni KB Abobo pero nakasunod agad ang Passive na hawak ni Christian Garganta.
Sa huling kurbada ay humabol na ang El Libertado ni AR Villegas pero handa ang Passive na umarangkada pagpasok ng huling 150-metro.
Halos isang dipa ang ipinanalo ng Passive sa rumemate ring El Libertador para magpasok pa ng P67.50 ang 1-6 forecast. Ang win ay may P9.00.
Mga paboritong kabayo ang mga nanalo sa walong karerang pinaglabanan at ang lumabas na pinakadehadong kabayo na nanalo ay ang Lucky Dreams sa race 8 na isang Handicap Race 2 sa 1,000-meter sprint distansya.
Si JAA Guce ang sumakay sa Lucky Dream na tinalo ang Barbie ni EP Nahilat.
Umabot sa P18.00 ang ibinigay sa win habang ang 5-7 forecast ay nagpamahagi ng P66.50 dibidendo. (AT)