Mukhang maliwanag na sa ngayon na may mga taong nagpumilit isagawa ang Last HOME Stand event noong Martes kahit na hindi plantsado ang lahat, kasama na ang disapproval ng NBA sa paglalaro ng ilang NBA stars sa naanunsyo at naunsyaming special match.
Ipinilit kahit na hilaw ang luto, kaya naman isinuka ng mga manonood.
Ang siste, nagmamalasakit lang sa Philippine basketball ngunit si PLDT big boss Manny V. Pangilinan pa ang sumalo sa responsibilidad ng mga pumalpak na tao.
Malaki ang kapalpakan ng East West Group na na-ging kuneksyon ng PLDT sa mga NBA players na dumating sa bansa.
Dapat din malaman kung sinong particular na tao sa PLDT o MVP Group ang pumalpak kasama ng East West Group.
Muli, ipinagpilitan nila ang proyektong malabo, kaya naman sumabog, sumambulat at nagbigay kahihiyan sa buong PLDT.
Ang nakakalungkot na pangyayari ay mukhang nagpatamlay din sa init ng tao sa Gilas Pilipinas na paalis ngayong araw na ito patungo ng Miami, Florida para sa pagsisimula ng last stage ng kanilang preparasyon para sa FIBA World Cup.
Nawa’y hindi makasira sa loob ng ating national team ang masamang pangyayari, lalo na’t magsisimula na ang giyera sa World Cup sa Spain at ang kasunod na Asian Games sa Incheon, Korea.
***
Sino nga ba ang nagbenta ng ideya ng event na ito sa PLDT?
At nasunod ba ang lahat ng provisions sa kontrata ng event presentor/sponsor PLDT Home at event organizer East West?
Ito ang ilan sa malalaking katanungan.
Hindi na dapat ibigay ang tanong na ito kina East West CEO Maria Espaldon at PLDT executive vice president Ariel Fermin dahil medyo may kakapalan ang mga ito na mag-giit na never silang nagsaad sa kanilang print ads at flyers na may larong magaganap sa pagitan ng Gilas Pilipinas at NBA stars.
Maaring totoo, ngunit lumalabas silang tunay na manggagantso sa katwirang ito.
Para kayong nag-imbita sa disco ng bawal ang sumayaw o nagpapasok sa bar na bawal ang alak.
Mahiya kayo kay Mr. Pangilinan. Umamin kayo ng kapalpakan at akuin ang responsibilidad ng kamalian.