Biboy’s Girl iniwanan ang Magic Chant at Dragon May para sa panalo

MANILA, Philippines - Kumaripas ang ka­bayong Biboy’s Girl sa huling 50-metro para daigin ang dalawang iba pang kabayo at lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si Dan Camañero  ang hinete ng kabayo at naisantabi ng tambalan ang hamon ng Magic Chant ni RR Camañero at Dragon May ni Esteban de Vera tungo sa unang panalo  matapos ang tatlong takbo sa buwan ng Hulyo.

Ang Dragon May ang siyang paborito sa laba­nan matapos magdomina sa karerang pinaglabanan noong Hulyo 17 pero kinapos na ito para makontento sa ikatlong puwesto.

Halagang P79.50 ang ibinigay sa win habang nasa P1,007.00 ang dibidendo sa 12-2 forecast.

Ito ang ikalawang panalo sa pista ng Phi­lippine Racing Club Inc. (PRCI) ni Camañero matapos maihatid sa panalo ang Damong Ligaw sa class division 2 sa 1,300-metro distansya.

Mahusay na ipinuwesto ni Camañero ang Damong Ligaw sa balya para pagpasok sa huling kurbada ay nakuha na ng tambalan ang unang puwesto tungo sa pagtala ng halos limang dipang agwat sa pumangalawang  Speed Maker.

Ang Wow Pogi na ginabayan ni WP Beltran at paborito sa karera ay nakontento na lamang sa ikatlong puwesto nang hindi napangatawanan ang maagang pagbandera.

May P14.00 ang ibi­nigay sa win habang ang 4-5 forecast ay mayroong P536.00 dibidendo.

 Kasama rin sa kuminang ay ang Expecto Patronum sa race three na isang class division 3 race sa 1,300-metro distansya at hawak ni Dar De Ocampo.

Ikatlong panalo sa apat na takbo sa buwang kasalukuyan ng Expecto Patronum at napatunayan ng kabayo ang pagiging patok sa hanay ng 13 naglaban.

Ang ikalawang puwesto lamang ang pinag­labanan sa karera dahil banderang-tapos ang ginawa ng Expecto Patronum para kunin ang ikalawang sunod na panalo.

Ang Jazz Goldheart ni R. Tablizo ang puma­ngalawa para maduplika ang tinapos ng tambalan  noong Hulyo 12.

Dahil dikit-dikit ang bentahan kaya umabot pa sa P16.50 ang ibi­nigay na dibidendo sa win habang P164.00 ang ipinamahagi sa 7-4 forecast. (AT)

 

 

Show comments