MANILA, Philippines - Kung may sandata mang nakikita si world light welterweight titlist Chris Algieri para itapat sa bilis at lakas ni Manny Pacquiao, ito ay ang kanyang matutulis na jab.
Plano ng 5-foot-10 na si Algieri (20-0-0, 8 KOs) na gamitin sa 5’6 na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) ang kanyang jab sa kanilang laban sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
“You know what the great equalizer is, and I say this all the time, the jab. I don’t care if he’s faster, I don’t care if he hits harder, I don’t care if he’s bigger, stronger; I got a jab and I got a brain. That’s the great equalizer. Not power, it’s the jab,” sabi ni Algieri.
Itataya ng 35-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 30-anyos na si Algieri.
Tinalo ni Algieri si Ruslan Provodnikov para agawin sa Russian ang hawak nitong WBO light welterweight belt noong Hunyo.
Sinabi ni Algieri na sisimulan niya ang kanyang paghahanda sa Agosto para sa kanilang laban ni Pacquiao.