MANILA, Philippines - Ginamit ni Portland Trail Blazers guard Damian Lillard ang social media para humingi ng paumanhin sa kanilang mga Filipino fans dahil sa pagkakakansela ng Last Home Stand sa Smart Araneta Coliseum.
Sa kanyang Twitter account na @Dame_Lillard, sinabi ng NBA Rookie of the Year na wala sa kanilang kontrol ang nangyari.
Sinabihan ng isang fan sa Twitter na “disappointment is an understatement,” sumagot naman si Lillard ng: “Sorry, it was beyond our control.”
Inaasahan ng mga Filipino fans na makakalaro ni Lillard kasama sina James Harden, Kawhi Leonard at Tyson Chandler ang Gilas Pilipinas para sa two-day charity game sa Big Dome.
Ngunit noong Martes ng gabi ay workout lamang ang ginawa ng dalawang koponan kasunod ang pagkansela sa serye.
Sa isang tagpo ay inagawan ni Lillard ng bola si Gilas Pilipinas’ point guard Jimmy Alapag kasunod ang pagsalpak ng isang three-point shot.
Ang sumunod ay ang pahayag ni coach Chot Reyes na isang workout lamang ang magaganap.