MANILA, Philippines - Itutuluy-tuloy ni Samahang Basketbol ng Pilipinas President Manny V. Pangilinan ang Gilas Pilipinas national team program.
Anuman ang mangyari sa kampanya ng Gilas sa World Cup sa Spain at sa Asian Games sa South Korea ay hindi matatapos ang pagsuporta ni MVP sa programa.
Ang pagkuha sa bagong naturalized player na si Andray Blatche, ang kanilang darating na basketball camp sa Miami kasunod ang isang European tour at ang dream series laban sa NBA select group ay bahagi ng long-term Gilas program na nakatutok sa pagku-walipika sa 2016 Olympics.
“That’s the whole program. That’s the entire plan for this team,” sabi ni coach Chot Reyes. “It’s not ending in Incheon. The goal is till 2015 FIBA Asia because there, we want to win the gold to qualify for the 2016 Olympics,” dagdag pa nito.
Hangad ni Pangilinan at ng kanyang grupo na maipanalo ang naturang torneo bago ang pagpapatupad ng FIBA ng kanilang bagong calendar at elimination process para sa Olympics.
Ang magiging bagong proseso ang inaasahang magpapahirap sa kampanya ng Pilipinas para makapaglaro sa quadrennial meet.
Hindi pa nakakapaglaro ang bansa sa Olympics matapos noong 1972 sa Munich.
“FIBA Asia 2015 is the end of the last cycle. It’s still the same as 2011. You win the gold and you go to the Olympics,” sabi ni Reyes.
Nagalak sa naging resulta ng pamamahala sa 2013 FIBA Asia Championship, umaasa si Pangilinan na muli niyang maisasagawa ang torneo sa bansa sa susunod na taon.
Kumpiyansa si Pangilinan na posible itong mangyari dahil pinayagan ang China na pangasiwaan ang event ng dalawang sunod noong 2001 (Shanghai) at 2003 (Harbin) at noong 2009 (Tianjin) at 2011 (Wuhan).
Target din ni MVP na makuha ang hosting rights para sa 2018 FIBA World Championship.
Ngunit sinabi ni Pangilinan na dapat munang masustina ng Gilas Pilipinas ang magandang kampanya matapos ang second-place finish noong 2013 FIBA Asia Championship.