Griffin babawi na lang dahil hindi nakarating

MANILA, Philippines - Bagama’t hindi dumating si Blake Griffin, nanga-ko siyang babawi sa mga nadismayang Pinoy Fans na nag-abang sa kanya.

Ayon sa ulat ng www.interaksyon.com, naglabas si Griffin ng statement sa pamamagitan ng online video kung saan humingi siya ng paumanhin dahil hindi siya nakarating para sa two-day exhibition series na tinaguriang Gilas Last Home Stand na bahagi ng pagha-handa ng National team para sa 2014 FIBA World Cup sa Spain at sa Asian Games sa Incheon, Korea.

“I will come over and spend one-on-one time with you and do all the great things I’ll miss today with the charity, the kids and, of course, all of you who are looking forward to spending a great time with all of us from Team Fibr,” sabi ni Griffin. “Keep all your tickets, because we will definitely see each other soon.”

Hindi nakaalis si Griffin ng United States gayundin si Paul George dahil sa personal na kadahilanan na kailangan nilang asikasuhin.

Sa kanilang pagdating sa Pilipinas noong Lunes , kaagad naramdaman ng mga NBA players ang ‘hospitality’ ng mga Pinoy.

Ilang oras pa lamang matapos dumating sa bansa ay kaagad dumiretso ang grupo ng mga NBA players sa Eat Bulaga para sa kanilang unang public appearance.

Nagpakuha ng larawan ang buong Dabarkads ng Eat Bulaga kina James Harden, DeMar DeRozan, Terrence Ross, Kyle Lowry, Brandon Jennings at Kawhi Leonard kasama si dating NBA player at coach John Lucas.

Kinagabihan ay isang hapunan ang inihanda ni Jorge Araneta ng Smart Araneta Coliseum.

Kahapon naman ay nagdaos ang grupo ng basketball clinic sa Big Dome para sa mga bata.

Pinangunahan nina Leonard, ang 2014 NBA Finals Most Valuable Player, ng San Antonio Spurs at Harden ng Houston Rockets ang pagtuturo sa mga bata ng mga dribbling at passing drills.

Kagabi ay nagharap ang NBA Selection para sa unang bahagi ng dalawang exhibition game series  sa Smart Araneta Coliseum at muling maghaharap nga-yon sa alas-8:00 ng gabi.

Show comments