MANILA, Philippines - Sulit ang naging paghihirap nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos matapos magtagumpay ang Manila West sa idinaos na FIBA 3x3 World Tour Manila Masters noong Sabado at Linggo sa Mega Fashion Hall sa SM Megamall.
Tinalo ng koponan ang naglalakihang Qatar, 21-17, para tanghaling kampeon ng kompetisyong nilahukan ng 12 koponan, kasama ang walong dayuhan.
Ang titulo ang kumumpleto sa ma-garang ipinakita ng koponan dahil umabante rin ang Manila West kasama ang Qatar sa World Final sa Tokyo, Japan sa Oktubre.
“Halos apat na araw lang talaga kami naghanda rito dahil may bagyo pa last week. Kaya masayang-masaya kami to represent the country,” pahayag ni Guevarra.
Ang panalo sa Qatar ay pambawi ng Manila West matapos ang 17-21 pag-yuko sa Pool B match.
“Mas mahirap ang 3x3 kaysa sa regular game dahil half court lang at walang time na makapag-relax,” banggit pa ni Ramos na dating kasapi ng Gilas national team.
Sa pag-usad nila sa Japan, kaila-ngang ihanda ng mga manlalaro ang sarili sa mas malalaking makakatunggali lalo pa’t world title na ang paglalabanan.
“Sobrang lalaki talaga ng mga kalaban kaya talagang hindi magiging madali. Pero hindi kami makokontento na nanalo lamang dito,” pagtitiyak ni Romeo.
Sa panig ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Manny V. Pa-ngilinan, tiniyak niyang bibigyan niya ng go-signal sina Ramos, Canaleta at Guevarra na manlalaro sa pag-aaring koponan na NLEX, Talk N’Text at Meralco.
Si Romeo ay kasapi ng Globalport ngunit wala ring nakikitang problema sa pagsama niya sa Japan dahil ang may-ari ng koponan na si Dr. Mikee Romero ay sumusuporta sa mga programa para sa kapakanan ng Philippine Sports.
“Ngayon pa lamang tayo sasali at iniisip ko pa lang ay nae-excite na ako,” pahayag ni Canaleta.