MANILA, Philippines - Kuntento na si head coach Chot Reyes sa nakamit na bronze medal ng Gilas Pilipinas sa katatapos na 5th FIBA-Asia Cup sa Wuhan, China.
Sinabi ni Reyes na ang paglahok sa club tournament na ito ay bahagi ng kanilang preparasyon para sa FIBA World Cup sa Spain at sa Asian Games sa Incheon, Korea.
“We came in using this event as a platform to launch our preparations for the World Cup, but I’m certainly not complaining about the bronze medal,” wika ni Reyes.
Sa nakaraang dalawang edisyon ng FIBA-Asia Cup, dating Stankovic Cup, noong 2010 at 2012 ay nagtapos ang mga Pinoy sa pang-apat na puwesto.
Tinalo ng Nationals ang mga bagitong Chinese, 80-79, sa likod ng tatlong krusyal na free throws ni guard Paul Lee sa natitirang 0.3 segundo para angkinin ang pangatlong posisyon sa torneong muling pinagha-rian ng Iran kontra sa Chinese-Taipei.
Sa Hulyo 22 at 23 ay lalabanan ng Gilas Pilipinas ang isang NBA Selection, pinamumunuan nina NBA Finals MVP Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs at Blake Griffin ng Los Angeles Clippers, sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ring sumabak ang Nationals sa walo hanggang siyam na laban sa mga bigating international teams bago magtu-ngo sa Seville, Spain para sa 2014 FIBA World Cup.
Sinabi ni Reyes na magkakaroon sila ng tune-up games sa Europe hanggang Agosto 25 o limang araw bago magsimula ang FIBA World Cup.
Magkakaroon ang Gilas ng training camp sa Miami, Florida sa Agosto 1-4 kasunod ang mga tune-up matches laban sa Brazil, Angola, ACB Select, France, Australia, Ukraine, Euskadi, Dominican Republic at Egypt sa Italy at France sa Agosto 8 hanggang 25.