MANILA, Philippines - Magpapatibayan ang apat na nakatayong koponan sa gaganaping 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament semifinals ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Unang magbabakbakan ang RC Cola-Air Force Raiders at PLDT Home TVolution Power Attackers sa ganap na alas-3 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng two-conference champions na Generika-Army Lady Troopers laban sa expansion team na AirAsia Flying Spikers sa alas-5 ng hapon.
Magtutuos ang IEM at Via Mare sa men’s division sa ikatlo at huling laro sa alas-7 ng gabi.
Ang mananalo sa women’s matches ang siyang aabante sa championship round sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Pinangunahan ng Lady Troopers at Raiders ang elimination round kaya’t dumiretso na sa Final Four.
Sa kabilang banda, napalaban muna ang Power Attackers at Flying Spikers sa quarterfinals at tinalo ng una ang Petron Lady Blaze Spikers, 16-25, 25-21, 25-18, 25-22.
Bumangon ang koponang pag-aari ni Dr. Mikee Romero mula sa pagkatalo sa naunang dalawang sets patungo sa 16-25, 16-25, 25-16, 25-17, 15-13, tagumpay laban sa Cagayan Valley Lady Rising Suns.
Parehong nanalo ang RC Cola-Air Force at Generika-Army sa makakatunggali sa elimination round pero hindi dapat sila magkumpiyansa matapos ang panalong nakuha sa quarterfinals.
Ang championship ay gagawin sa Hulyo 26.