MANILA, Philippines - Tumabo pa rin ang karera noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite kahit nagkaroon ng problema ang mga Off-Track Betting Stations bunga ng pagdaan ng bagyong Glenda noong Miyerkules.
Napilitan ang Philippine Racing Commission (Philracom) na kanselahin ang karera noong Miyerkules sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas dahil sa masungit na panahon pero nanumbalik ang aksyon kamakalawa sa racing club na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI).
Wala na ang malalakas na hangin pero apektado pa rin ang mga OTBs ng kawalan ng kuryente at problema sa cable connections at telepono dahilan para 158 lamang mula sa 254 OTBs sa bansa ang nagbukas.
Nagkaganito man ay pumalo pa sa P12.9 milyon ang sales sa walong karerang nakaprograma.
Ang ikinaganda rin ng nasabing karera ay nagsimula ito nang naayon sa post time ng bawat karera.
Kahit nag-ulat ang PRCI sa estado ng mga OTBs, nagpalabas pa rin ng kautusan ang pamunuan ng Philracom sa pangunguna ni chairman Angel Castano Jr. at commissioner/executive director Jess Cantos na tiyakin na magsisimula ang bawat karera sa takdang oras.
“Don’t compromise post time or delay races to catch up with sales to make up on OTB operation problems. Sometimes ideal sales has to give way for the service of betting public’s interest,” pahayag ni Cantos.
Patuloy ang pag-akyat ng sales ng horse racing sa taong 2014 at naniniwala ng mga namamalakad na mahihigitan sa taong ito ang kinita noong 2013 na P7.78 bilyon.
Kasama sa mga kabayong nagpasiklab kamakalawa ay ang Lady Like ni Esteban de Vera sa 3YO Maiden-B at C sa distansyang 1,100-metro distansya.
Ikalawang sunod na pagdiskarte ito ni De Vera sa nasabing kabayo at nahigitan ng tambalan ang pang-walong puwestong pagtatapos nang unang nagsama noong Hulyo 12.
Talunan ng Lady Like ang mas dehadong King Haus ni R. Tablizo para maghatid ng P1,604.50 sa forecast.
Patuloy din ang pagpapasikat ng dalawang taong kabayo na Hook Shot sa pagrerenda ni Jeff Zarate nang nagwagi sa 2YO Maiden race sa 1,100-metro distansya.
Ikalawang panalo ito ng tambalan sa tatlong takbo at naisantabi ang hamon ng Polka Dot Bikini. Sa Agosto ay lalarga na ang stakes races para sa juvenile horses at
hindi malayo na maging palaban ang Hook Shot. (AT)