MANILA, Philippines - Magkakaroon si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ng ‘hometown advantage’ sa pagsagupa kay Chris Al-gieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Ito ang sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ukol sa pagdedepensa ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ng suot niyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Algieri (20-0-0, 8 KOs).
“It’s almost like fighting at home so it’s a major advantage for Manny,” wika ni Arum. “Plus, if he fights in Macau he’s not subject to U.S. income taxes, which is 39.5 per cent.”
Ito ang magiging ikalawang laban ng 35-anyos na si Pacquiao sa Macau, China matapos dominahin si Brandon ‘Bam Bam’ Rios noong Nobyembre 24, 2013.
Kamakalawa ay nagkasundo sina Joe DeGuardia ng Star Boxing at Artie Pelullo ng Banner Promotions, mga co-promoters ng 30-anyos na si Algieri, ukol sa ilang hindi nila pagkakaunawaan.
Si Algieri, umiskor ng isang 12-round split-decision victory laban kay Ruslan Provodnikov para agawin sa huli ang hawak nitong WBO light welterweight belt noong Hunyo 14 sa Barclays Center sa Brooklyn, ay inaasahang tatanggap ng $1.5 milyon.
Posible namang kumita si Pacquiao ng $22 milyon para sa kanyang ikalawang laban ngayong taon matapos resbakan si Timothy Bradley, Jr. sa kanilang rematch.
“We hope to make up for any shortfall with the pay-per-view in China,” wika ni Arum. “The market is huge and we’re going to sell it for like four dollars.”
Si Algieri ay may may bachelor’s degree sa healthcare science mula sa Stony Brook University at master’s degree sa New York Institute of Technology. (RC)