MANILA, Philippines - Pakay ng host UE at National University na manatiling nangunguna sa 77th UAAP men’s basketball sa pagharap sa magkahiwalay na kalaban ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kaharap ng Red Warriors ang Adamson Falcons sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang unang pagtutuos ng Bulldogs at UP Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon.
Inilampaso ng UE ang UP, 87-59, habang nilapa ng NU ang UST, 59-40, para mapaboran na matuhog ang ikalawang sunod na panalo.
“We have not proven anything with this win,” sabi agad ni Red Warriors coach Derrick Pumaren.
Nananalig siya na hindi makakaramdam ng anumang kumpiyansa ang mga kasapi ng koponan dahil hindi puwedeng biruin ang larong ipakikita ng Falcons na tiyak na magnanais na bumangon mula sa pangit na panimula sa pagmamando ng bagong coach na si Kenneth Duremdes.
Dapat na maulit ang mainit na pagbuslo sa 3-point line ni Dan Alberto na galing sa bench, habang dapat ding makapagdomina ang mga beterano sa pangunguna ni Roi Sumang at kontrolin ng dalawang imports na sina Charles Mammie at Moustapha Arafat ang shaded area.
‘Di sang-ayon si NU mentor Eric Altamirano na sila ang llamado. (AT)