MANILA, Philippines - Labing anim na taon na ang nakararaan nang hirangin ng Formula Shell si Danny Ildefonso ng National University bilang No. 1 overall pick ng PBA Rookie Draft.
Sa ikalawang pagkakataon ay muling kinilala ang ngayon ay 37-anyos na si Ildefonso na top pick sa dispersal draft ng expansion team na Blackwater Sports kahapon.
Simula sa Lunes ay makikipag-ensayo na ang tubong Urdaneta, Pangasinan sa Elite ni head coach Leo Isaac.
Dadalhin ng 15-year veteran na si Ildefonso, may walong PBA championships, sa Blackwater ang kanyang mga averages na 3.1 points at 2.1 rebounds sa kanyang paglalaro sa Meralco ni coach Ryan Gregorio sa nakaraang PBA Governors’ Cup.
Ang iba pang kinuha ng Blackwater ay sina Alex Nuyles, JR Cawaling, Eddie Laure, Bryan Faundo, JP Erram, Paul Artadi, Gilbert Bulawan, Bam Bam Gamalinda, Chris Timberlake, Wesley Gonzales at Robbie Celiz.
Samantala, kinuha naman ng expansion team ding Kia Motors si 6-foot-6 Reil Cervantes bilang No. 2 pick.
Maliban kay Cervantes, ang iba pang pinili ng Kia ay sina Michael Burtcher, Hans Thiele, Alvin Padilla, Jai Reyes, Paul Sanga, Raymundo, Eder Saldua, Nick Belasco, LA Revilla, Joshua Webb at Chad Alonzo.
May limang araw ang Kia at ang Blackwater para papirmahin ng kontrata ang mga players na kanilang nauhugot sa dispersal draft.
Magbabalik ang mga drafted players sa unprotected list ng kanilang mga mother clubs kung hindi sila mapapapirma ng Kia at Blackwater.
Hindi naman napili si 6’6 Larry Rodriguez na nauna nang hinulaang pag-aagawan ng Kia at Blackwater.