MANILA, Philippines - Apat na Philippine teams, dalawa dito ay pala-lakasin ng PBA stars at walong foreign squads ang maghahangad na makasama sa Tokyo World Championship sa pagtatanghal ng Smart ng 2014 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters nitong weekend sa Mega Fashion Hall ng SM Megamall.
Magsisimula ang aksiyon sa alauna ng hapon sa Sabado pagkatapos ng celebrity fun games na uumpisahan ng alas-12:00 ng tanghali tampok ang mga V-League standouts at entertainment personalities habang ang mga laro sa Linggo ay sisimulan ng alas-2:00 ng hapon sa torneong inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pamumuno ni president Manny V. Pangi-linan katulong ang Nike at Samsung bilang partners.
Kakatawan sa Phi-lippines ay ang Manila North-- Ian Sangalang ng San Mig Super Coffee, Calvin Abueva at Vic Manuel ng Alaska at Jake Pascual ng NLEX; Manila East-- Ousseynou Karbala Gueye, Darryl Henderson Jr., John Adrian Wong at Jerie Marlon Pingoy na lahat ay mula sa Ateneo; Manila West-- Terrence Romeo ng Globalport, Rey Guevarra ng Meralco, KC Canaleta ng Talk ‘N Text at Aldrech Ramos ng Air21; at Manila South -- Joshua Irvin Ayo, Adonis Christian Nismal, Karl Kenneth Estrada at Raphael Jude De Vera ng national champion Naga City Titans.
“In behalf of SBP president Manny V. Pa-ngilinan, we in SBP invite everyone to watch world class 3x3 basketball this Saturday and Sunday,” sabi ni SBP executive director Sonny Barrios. “Let us again show our foreign visitors warm Filipino hospitality and prove to them that basketball is more fun in the Philippines.”
Ang top two ay papasok sa 3x3 FIBA World Tour Finals sa Tokyo sa Oct. 11-12.
Kabilang sa Pool A ang Jakarta, Medan at Manila South; sa Pool B ang Doha, Kobe, Manila West; sa Pool C ang Auckland, Xinzhuang at Manila North; at sa Pool D ang Yogyakarta, Surabaya at Manila East.