MANILA, Philippines - Pagkakataon na ng mga Pinoy jins na makapagpasikat sa gaganaping 2014 PLDT Home Bro National Taekwondo Poomsae Championships na itinakda sa darating na Hulyo 19 at 20 sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang naturang kompetisyon na inaasahang lalahukan ng mahigit sa 1,500 jins ay magtatampok sa apat na events na kinabibilangan ng individual colored belts, black belts, free style at synchronized poomsae sa mga kategorya para sa edad na 8-11 Children, 12-14 Cadet, 15-17 Juniors at 18-above Seniors.
Inaasahang sasabak sa torneo ang mga jins mula sa iba’t ibang region tulad ng ARMM, CAR, CARAGA at NCR bukod sa mga taekwondo clubs na Powerflex, Ateneo, San Sebastian College, UP, San Beda College, De La Salle Zobel, DLSU, More Than Medals, Korean Taekwondo Committee (KTC), Team Baguio, Pangasinan, Cebu, Bulacan, Nueva Ecija, UTA-Tigers, PNP at AFP.
Ang Poomsae ay isang non-contact event na nagpapakita ng attacks at defense techniques laban sa di nakikitang kalaban.
Nagagawa ito gamit ang kaalaman sa basic, tamang paghinga, balanse at konsentrasyon.
Ang Pilipinas ay kilala rin bilang isa sa mahusay na bansa sa poomsae sa malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.
Ang dalawang araw na event ay suportado ng SMART Communications Inc., MVP Sports Foundation, PLDT, TV5, Meralco, MILO at Philippine Sports Commission (PSC).