Pasilidad sa RMSC ‘di rin nakaligtas kay ‘Glenda’
MANILA, Philippines - Hindi pinaligtas ng bagyong Glenda ang Rizal Memorial Sports Complex matapos saga-saan ang athletic hub at ilang bahagi ng bagong lagay na artificial turf.
Isang malaking puno ang tinangay ng malakas na hangin ng bagyo na bumangga sa pader malapit sa main gate.
Tinamaan din ang Administration Building ng Philippine Sports Commission kung saan nabasag ang glass panel sa conference room sa fourth floor.
Ang bagong football turf ay naapektuhan din ng pananalasa ng bagyong ‘Glenda’.
“The wind loosened up the edges of the turf at the back of each goal, but it just needs minor repairs according to our personnel,” sabi kahapon ni PSC executive director Guillermo Iroy.
Samantala, natamaan naman ang Rizal badminton hall ng mga lumilipad na galvanized iron sheets at nasira ang bubungan ng baseball stadium at nawasak ang pintuan ng table tennis venue.
Nagkalat ang mga sanga at dahon sa loob ng sports complex kaya naging abala sa paglilinis ang “rescue team” ng PSC sa buong araw.
“Team is doing is best to minimize damage,” wika pa ni Iroy.
Hindi naman naapektuhan ang billeting area ng mga atletang naninirahan sa sports complex.
Wala ring tigil ang pagsasanay ng weightlifting team kahit na bumabagyo.
“Tuluy-tuloy lang ensayo, kailangan eh,” ani coach Greg Colonia. (OL)
- Latest