MANILA, Philippines - Si Rain or Shine forward Larry Rodriguez ang sinasabing magiging top pick ng Kia sa isasagawang PBA dispersal draft bukas ng alas-2 ng hapon sa PBA head office sa Libis.
Ang 31-anyos na si Rodriguez ang ginawang unprotected player ng Elasto Painters kasama si Alex Nuyles.
Si Rodriguez ang ninth overall pick noong 2008 draft kasunod sina Rain or Shine teammates T. Y. Tang at Jeff Chan.
Hindi ibinunyag ng Kia at Blackwater officials ang mga nasa unprotected veterans list.
Sinabi ni PBA commissioner Chito Salud na papatawan nila ng kaparusahan ang expansion teams kung ibubunyag nila ang unprotected list.
Si Salud ang mamumuno sa two-team lottery kasunod ang dispersal draft na magdedetermina kung sinong koponan ang unang pipili.
Si two-time MVP Danny Ildefonso naman ang inaasahang magiging top pick ng Blackwater.
Ang 37-anyos na si Ildefonso ang first overall selection noong 1998 draft at nakapaglaro sa walong championship teams.
Sina Rodriguez at Ildefonso ang sinasabing kasama sa mga high-profile players na nasa unprotected list.
Ang iba pa ay sina Chris Timberlake, Wynne Arboleda, John Ferriols, Hans Thiele, Bonbon Custodio, Renren Ritualo, Eddie Laure, Ronnie Matias, Rob Labagala, Jason Deutchman, Mark Yee at Val Acuña.
Sinabi ni Blackwater team owner Dioceldo Sy na gusto nilang humugot ng 10 players, habang hanggang 16 naman ang balak kunin ng Kia Motors, ayon kay team manager Eric Pineda.
Sa susunod na season ay lillimitahan ng PBA ang bawat koponan sa pagkakaroon ng 12 players sa kanilang active lineup bukod pa ang dalawa sa reserve at tatlong practice players.
Sa dispersal draft ay mayroong 53 rookie free agents mula sa nakaraang draft at 22 buhat sa 2012 draft at 55 veteran free agents.
Ilan sa mga unsigned rookie free agents sa nakaraang draft ay sina J. P. Erram, Mark Lopez, Mike Silungan, John Usita, Jett Vidal at Joshua Webb.
Ang 22 rookie free agents noong 2012 ay sina Gian Chiu, Paul Gonzalgo at Eric Suguitan at ang mga veteran free agents ay kinabibilangan nina Ken Bono, Reil Cervantes, Alex Crisano, Marvin Cruz, Pong Escobal, Bambam Gamalinda, Borgie Hermida, Chris Pacana, Josh Vanlandingham at L. A. Revilla.