MANILA, Philippines - Dalawang bagay ang maaaring gawin ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa kanyang pagpunta sa PBA Office sa Biyernes para sa pagdaraos ng dispersal draft.
Magtutungo ang 35-anyos at 5-foot-6 na si Pacquiao para personal na pumili sa dispersal draft bilang head coach ng expansion team na Kia.
Posible ring isabay ng Sarangani Congressman ang pagsusumite ng kanyang aplikasyon para sa 2014 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Agosto 19 sa Ro-binson’s Place sa Ermita, Manila.
Sa paglulunsad ng Team Kia bilang miyembro ng PBA ay hindi itinago ni Pacquiao ang pagnanais niyang makapaglaro sa professional league.
Subalit kung sasali siya sa drafting ay inaasahang kukunin ang Filipino boxing superstar ng iba pang PBA teams.
Bukod sa Team Kia, pipili rin sa dispersal draft ang expansion team na Blackwater Sports.
Kabilang sa mga kasama sa dispersal draft ay sina two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso ng Meralco, Alex Nuyles at Larry Rodriguez ng Rain or Shine at Ronnie Matias ng Grand Slam champions San Mig Coffee. (RCadayona)