MANILA, Philippines - Ipinakita ni Ranidel De Ocampo ang kanyang pagiging beterano.
Nagsalpak ang 6-foot-6 na si De Ocampo ng isang running basket at krusyal na three-point shot sa dulo ng fourth quarter para igiya ang Gilas Pilipinas sa 71-70 panalo laban sa Jordan sa 5th FIBA-Asia Cup sa Wuhan, China kagabi.
Tumapos si De Ocampo na may 14 points, tampok dito ang 4-of-7 shooting sa 3-point range at 6 rebounds, habang umiskor si Paul Lee ng 10 sa kanyang team-high na 16 markers sa second half.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Nationals sa Group B papasok sa quarterfinal round ng torneong nilalahukan ng mga club teams.
Inaasahang makakatapat ng Gilas Pilipinas (3-0) sa quarterfinals bukas ang India (2-2) na ginulat ang China (3-1), 65-58, sa Group A noong Linggo.
Matapos magtabla sa first half, 30-30 ay lumamang ang Jordan, hinawakan ni dating Gilas Pilipinas mentor Rajko Toroman, sa 37-33 sa unang limang minuto sa third period mula sa basket ni World Cham-pionship veteran Rasheim Wright.
Naagaw ng Nationals ang unahan sa 66-62 buhat sa drive ni LA Tenorio sa 2:59 ng fourth quarter kasunod ang isang three-point play ni Wright na nagdikit sa Jordanians sa 65-66 sa 2:25 minuto nito.
Isang basket ni De Ocampo ang naglayo sa Gilas Pilipinas sa 68-65 bago nakatabla ang Jordan sa 68-68 sa likod nina Ahmad Alhamarsheh at Wright sa huling 42.8 segundo.
Nagsalpak naman si De Ocampo ng tres para ibigay sa Nationals ang 71-68 bentahe sa natitirang 35.2 segundo. (RC)