MANILA, Philippines - Mas lumakas pa ang NBA Selection na sasagupa sa Gilas Pilipinas sa “Gilas’ Last Home Stand” na nakatakda sa Hulyo 22-23 sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay matapos pumayag si Indiana Pacers superstar Paul George na mapabilang sa hanay ng mga NBA players na tatapat sa Gilas Pilipinas sa dalawang araw na exhibition games.
Sa kanyang Twitter account na @iamMVP ay inihayag kahapon ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan ang pagkakadagdag ni George sa listahan ng mga NBA players.
“What a nice bday surprise - We welcome All-Star Paul George back to Manila for #GilasLastHOME-Stand - mapapaLABAN sina Gabe, Ping, Jeff dito,” sabi ni Pangilinan sa pagharap ni George kina Gabe Norwood, Marc Pingris at Jeff Chan ng Gilas Pilipinas.
Nasasabik naman ang 6-foot-8 na si George na makasukatan ang Gilas Pilipinas, kasalukuyang kumakampanya sa FIBA-Asia Cup sa Wuhan, China.
“@iamMVP, we are going to give the Gilas National Team a real workout in honor of your birthday next week! Watch out!” sagot naman ni George sa kanyang Twitter account na @Paul_George24.
Naidagdag din sa grupo ng NBA Selection si Terrence Ross ng Toronto Raptors.
“MVP I think what you do in honor of your birthday for the Filipinos is amazing. Giving back is why we do what we do. See you soon! @iamMVP,” wika ni Ross sa kanyang Twitter account na @T_Dotflight31.
Kasama sa naunang listahan ng NBA Selection sina San Antonio Spurs forward at 2014 NBA Finals Most Valuable Player Kawhi Leonard, DeMar DeRozan at Kyle Lowry ng Toronto Raptors, Blake Griffin ng Los Angeles Clippers, Damian Lillard ng Portland Trail Blazers, Paul Pierce ng Washington Wizards at Houston Rockets’ rookie Nick Johnson.