Algieri tatanggap ng $1.5M sa pagsagupa kay Pacquiao

MANILA, Philippines - Sakaling maplantsa ang kanilang laban ni Man­ny Pacquiao ay tatanggap ang bagong world light wel­­ter­weight titlist na si Chris Algieri ng premyong pi­na­pangarap niya.

Sa kanyang panalo kay Ruslan Provodnikov para sa World Boxing Organization (WBO) light welterweight title noong Hunyo 14 ay tumanggap si Algieri ng $100,000.

Sa pagiging isang world boxing champion ay mas ma­laking fight purse na ang inaasahan ng 30-anyos na si Algieri.

“If we’re going to make this fight happen, I value myself and my health very highly and what I’ve been doing for the past 20 years. I just want what I deserve,” sabi ng 5-foot-10 na Italian-Argentinian fighter.

Sinasabing inalok si Algieri (20-0-0, 8 KOs) ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ng $1.5 milyon pa­ra labanan ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Alam ni Algieri ang premyong nakukuha ng mga na­kakalaban ng 35-anyos na si Pacquiao.

Sina Brandon Rios, Timothy Bradley, Jr. at Juan Ma­nuel Marquez ay tumanggap ng mula $2 milyon hanggang $4 milyon sa pakikipagharap kay Pacquiao.

Kumita naman si Joshua Clottey ng $1.5 milyon sa kanyang kabiguan kay ‘Pacman’ noong 2010.

“With Josh Clottey, he wasn’t an undefeated world champion. I am. I got two things that are very important -- that (WBO championship) belt and a zero at the end of my record,” sabi ni Algieri.

 

Show comments