BRASILIA, Brazil — Nang matapos ang laro, ang Netherlands ang tumanggap ng standing ovation mula sa Brazilian crowd.
Nilisan ng Brazil ang football field sa gitna ng pambubuska ng kanilang mga kababayan.
Tinalo ng Netherlands ang Brazil, 3-0, sa kanilang labanan para sa third place trophy ng World Cup.
Kaagad nagsalpak ng dalawang goals sina Robin van Persie at Daley Blind para sa 2-0 abante ng mga Dutch kontra sa mga Brazilians.
“We can look back at a very successful tournament,” sabi ni Netherlands’ head coach Louis Van Gaal. “I’m proud of my players.”
Tinapos ng Netherlands ang World Cup na walang talo sa regular play sa unang pagkakataon.
Natalo lamang ang mga Dutch sa Argentina sa penalties sa semifinals.
Makaraang tumapos bilang runner-up noong 2010 ay ang third place na ang pinakamagandang posisyong nakamit ng Dutch squad nang mabigo sa finals noong 1974 at 1978.
Samantala, pag-aagawan ng Argentina at Germany ang korona ngayon.
“We know we can write history,” sabi ni Germany head coach Joachim Loew. “South Americans have always dominated on their continent and this is an extra incentive for us.”
Wala pang European team na nagkampeon sa World Cup na idinaos sa South America.